Casino crimes hiniling ni Sen. Raffy Tulfo na masilip ng Senado
By: Jan Escosio
- 1 year ago
Nais ni Senator Raffy Tulfo na makapagsagawa sa Senate ng “inquiry in aid of legislation” kaugnay sa mga dumadaming krimen sa mga casino.
Partikular na nais ni Tulfo na maamyendahan ang mga batas na gumagabay sa operasyon ng mga casino sa bansa.
Sa kanyang Senate Resolution 799, sinabi ng senador na nakaalarma ang pagdami ng criminal activities na naglalagay sa kapahamakan ng mga tumatangkilik sa mga casino.
Paliwanag nito na sa mga nakalipas na taon, nagkaroon ng kontribusyon ang casino gaming industry sa pag-unlad ng ekonomiya sa pamamagitan ng pagbibigay ng trabaho at kita mula sa turismo.
Bukod dito, dapat din aniya maging malawak ang promosyon ng responsible gambling at regular na pagrerebisa sa mga batas at regulasyon na may kinalaman sa operasyon at pamamahala ng mga casino.
Nakasaad din sa resolusyon ang pangangailangan na pag-aralan ang epekto ng paglalaro sa casino sa finances, mental health, social relations at overall well-being ng isang tao.