PNoy personal na nagpaalam at nagpasalamat sa AFP

PNoy testimonial
Photo: Ruel Perez

Personal na pinasalamatan ni Pangulong Noynoy Aquino ang mga tauhan at opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) makaraan ang ibinigay sa kanyang testimonial parade.

Mula sa kanyang mga naging aide-de-camp hanggang sa mga naging chief-of-staff ng militar sinabi ng pangulo na taos sa puso ang kanyang pasasalamat dahil maayos niyang naitawid ang anim na taong termino bilang lider ng bansa.

Ikinuwento rin ng pangulo ang mga nagawa niya sa militar tulad ng pagbili ng mga bagong eroplano para sa Philippine Air Force, mga barko para sa Philippine Navy at mga bagong tangke at mga baril para sa Philippine Army.

Nagbilin rin siya sa militar na tiyakin ang kaayusan ng bansa at huwag magpapagamit sa kung sinuman tulad ng naganap noong panahon ng Martial Law.

“Kinakatawan ko ang buong sambayanang Filipino sa pagsasalamat sa pagtiyak ninyo sa katahimikan ng ating bansa”, pahayag ng pangulo.

Muli niyang binanggit sa kanyang huling pagharap sa mga opisyal at tauhan ng militar na masaya siyang iiwan ang isang Sandatahang Lakas ng Pilipinas na mataas ang morale dahil sa mga natupad na pangarap ng bawat sundalo sa bansa.

Read more...