Mundo ng rice importers, unti-unting sumisikip—‘WAG KANG PIKON! ni JAKE J. MADERAZO

September 21, 2023 - 03:08 PM

 

Isang napakasamang panaginip sa mga matagal na naghaharing rice importers ang pamimigay ni BBM ng mga nakumpiskang “smuggled” premium rice ng Bureau of Customs sa isang warehouse sa Bgy. San Jose Gusu, Zamboanga City. Tumataginting na P42 milyon na halaga ng bigas na may kabuuang 42,180 sako na hindi nagtutugma ang mga dokumento ng Customs at Department of Agriculture ang hindi na pinadaan sa mga kaso-kaso ni BBM at ibinigay na deretso sa Department of Social Welfare and Development.

Unang tumanggap ng libreng tig-isang sako ng “premium Jasmine rice” ang 3,000 mahihirap na pamilya at susundan din 2,000 pa sa mga bayan ng Tungawan, Zamboanga Sibugay at Sibuco, Zamboanga del Norte na pawang miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program ng DSWD.

Ang matinding aksyon ni BBM ay nagdulot tuloy ng tanong kung kailan naman ipamimigay ang mga naunang nahuling imported na bigas kamakailan. Nariyan ang P519 milyon na “imported na bigas at palay sa 202,000 sako sa apat na warehouse sa San Juan, Balagtas, Bulacan, P90 milyon imported na bigas sa tatlong warehouse sa Tondo, P40 milyon “overpriced” na bigas sa dalawang warehouse sa Las Piñas at Cavite. Alin kaya rito ang susunod?

Ang proseso rito ay kailangang maipakita ng mga may-ari ng mga “proofs of payments of duties and taxes” sa Customs at beberipikahin kung meron ding permiso mula sa Department of Agriculture. Kung minsan tinatanong pa mismo sa Vietnam, Thailand o Myanmar kung ilan ba talaga ang pumasok na “imported na bigas sa bansa. Kailangan na meron silang Sanitary-Phytosanitary import Clearance ang bawat importer para matiyak na hindi nakakalason ang bigas kapag nakain. Kaya kailangang deklarado rin sa Customs kung saan itinatago ng importer at baka makadisgrasya ito at kailangang habulin. Kung susuriin ang mga dokumento, mahirap talagang mag-smuggle ng bigas. Pero, noon ay napakaluwag dahil nalalagyan ang mga taga-Customs at pati ilang prosecutors ng DOJ sa mga “laglag-kaso”, kaya naman lumakas tuloy ang loob nitong mga rice importers.

Pero, nag-iba na ang panahon ngayon at tila papasikip ng papasikip ang mundo ng mga “manipulador “ng presyo ng bigas. Kung tutuusin, ang “landed cost” ng bigas mula Vietnam ay P31 bawat kilo lamang. Kung ang price control ni BBM ay itinakda ang bentahan sa P45 bawat kilo, aba’y tubo na sila ng higit sampung piso bawat kilo at ipasa naman ang mark-up na P4 sa mga retailers.

Noong makaharap ni House Speaker Martin Romualdez ang mga rice importers, nag-alok sila na ibaba ang price cap sa P38, siguro ninerbyos na rin dahil sa matinding raid na ginagawa ng gobyerno.

Pero sa katotohanan, madilim talaga ang kanilang plano. Gusto nilang paabutin ng P60 bawat kilo ng bigas sa pamamagitan ng pagkakaroon ng “artificial shortage”. Isipin niyo, nag-import sila ng 3.8 milyong metric tons ng imported na bigas nong nakaraang taon, pero Setyembre na , 1.6 metric tons pa lamang ang kanilang pinarating. Paunti-unti ang labas ng stocks na natutuklasang itinatago nila sa warehouse .

Maitim din ang kanilang balak sa nangyayaring anihan ngayon ng mga local farmers. Bibilhin nila at babaratin muli ang mga magsasaka ng hanggang P13 bawat kilo ng aning palay. At pagkatapos na ito’y magiling, IHAHALO naman ito sa inimbak nilang “imported na bigas” at ibebenta sa presyong P60 pataas sa nilikha nilang artificial shortage na kasabay ng matinding El Nino sa susunod na taon. Dahil sa ganitong modus operandi ng importers, alam niyo bang nagsara na ang mga malalaking rice millers sa mga lalawigan. Mag-import ka na lang, kaysa magtanim ang mga magsasaka at mag-giling ang mga rice millers, mas malaki pa ang kita. Yan naman ang nakapagtatakang gusto rin nina Finance Secretary Benjamin Diokno at ang economic team. Puro imported na lang daw maski mamatay nang lahat ng magsasaka at hindi mawawalan ng suplay ng bigas dahil imported naman.

Pero sa sitwasyon ngayon, mahihirapang magtago ng stocks ang mga rice importers at hindi na nila mababarat ang mga local farmers. Itinaas ng gobyerno ang buying price ng wet palay sa P19 bawat kilo at P23 sa dry palay. Bukod dito, sa mga top rice producing provinces tulad ng Nueva Ecija at Isabela, ang namimili na ngayon ay ang provincial government. Sa Isabela, dineklara ni Isabela governor Rodolfo Albano na P25 bawat kilo ang ibabayad nila sa dry palay ng mga local farmers. Bukod dito, binigyan niya ng tig-isang brand new truck ng bigas ang 1,096 baranggay sa buong lalawigan, para sila na mismo ang kukolekta ng aning bigas ng mga kababayan nulang magsasaka. Sa Nueva Ecija, sa sobrang bigas na pinamili ng provincial government, namimigay ng libreng bigas bahay bahay si Governor Aurelio Umali.

May mga balitang kumakalat na ang mga rice importers ay nag-aalok ng mas mataas na presyo o P27 bawat kilong palay sa mga local farmers sa ibang lalawigan. Pero tulad ng nga ng sinabi ko kanina, ang balak nila ay ihalo ito sa inimbak nilang imported na bigas, at pagkakatapos ibenta ang bigas na ubod ng mahal.

 

TAGS: Bigas, Ferdinand Marcos Jr., news, Radyo Inquirer, wag kang pikon, Bigas, Ferdinand Marcos Jr., news, Radyo Inquirer, wag kang pikon

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.