Nakatakda na sa darating na Setyembre 28 ang pag-iimbestiga ng Senado sa nabunyag na kulto sa Socorro, Surigao del Norte.
Ayon kay Sen. Ronald dela Rosa sa isang panaya, kabilang sa kanilang aalamin ay ang diumano’y operasyon ng drug lab at private army na kinabibilangan ng mga dating pulis, sa Socorro Bayanihan Service Inc.
Aniya kabilang ito sa mga nabanggit sa sulat na ipinadala sa kanya ni Socorro Mayor Riza Timcang.
Dagdag pa ng senador, may sumbong din na may mga retiradong guro sa naturang kulto.
Nabanggit din ni dela Rosa na hahalukayin ng pinamumunuan niyang Committee on Public Order and Dangerous Drugs ang pagkamatay ni Rosalina Taruc, isang opisyal ng kulto, noong 2021 at makalipas lamang ang walong araw ay namatay din ang kanyang anak, si dating Mayor Denia Florano.
Unang ibinunyag ni Sen. Risa Hontiveros ang mga diumanoy pang-aabuso sa mga bata ng mga miyembro ng kulto.
Kinilala nito ang namumuno sa kulto na si Jey rence Quitario, alias Senior Agila.