Sec. Cheloy Garafil itinanggi na may troll farm o troll army sa PCO

SENATE PRIB PHOTO

Mariin ang naging pagtanggi ni Presidential Communication Secretary Cheloy Garafil na mayroon silang “troll farm” o “troll army” sa kanilang tanggapan.

Ginawa ni Garafil ang pagtanggi sa pagharap niya sa Senate Sub-Committee on Finance, na pinamumunuan ni Deputy Majority Leader JV Ejercito, kaugnay sa deliberasyon sa P1.79 billion 2024 budget ng PCO.

Sa pagdinig inusisa ni Ejercito ang ulat na nagagamit ang pondo ng gobyerno sa pagpapakalat ng “fake news.”

“For the record, Mr. Chair, wala po kaming troll (we have no trolls). No troll farm, no troll army. Mr. Chair, mayroon lang po kaming 363 employees sa PCO,” ang sagot ni Garafil kay Ejercito.

Sinabi pa ng kalihim na maging sila ay nagiging biktima ng “fake news.”

Idinagdag pa rin ni Garafil na sa ngayon ay gumagawa na sila ng mga hakbang para malabanan ang pagkalat ng mga maling impormasyon sa social media.

Binanggit nito ang kanilang kampaniya na magabayan ang mga kabataan dahil ang mga ito ang unang nabibiktima ng “fake news.”

Inaprubahan na rin ng komite ang hinihinging budget ng PCO para sa susunod na taon.

Read more...