Dahil sa mga mapaminsalang lindol sa Morocco at sa Dalupiri Island sa Cagayan, sinabi ni Senator Ramon “Bong” Revilla Jr., na ipapatawag niya ang Department of Public Works and Highways (DPWH) para alamin ang kahandaan sakaling tumama ang “Big One” sa bansa, partikular na sa Metro Manila.
“Ang nakakatakot diyan na dapat natin paghandaan yung tinatawag na Big One na earthquake kaya panawagan din sa DPWH do your work, gawin niyo yung dapat gawin. Kung dapat nang i-abandon na mga building, kung kailangan na isara, isara na. Huwag na natin hintayin na may madisgrasya kung dumating man yung malakas na lindol dito sa atin,” ani Revilla, na pinangunahan ang blood-letting activity sa Bacoor City kaugnay sa nalalapit niyang ika-57 kaarawan.
Ayon kay Revilla hihingiin niya ang mga update ng DPWH ukol sa pagsasagawa ng “retrofitting” sa mga istraktura, kasama na ang ginawang pagsusuri sa mga gusali at imprastraktura.
Sinabi ng namumuno sa Senate Committee on Public Works hindi sapat ang regular na pagsasagawa ng “earthquake drill” kundi dapat ay malaman ng publiko ang ginagawang paghahanda at hakbang ng mga kinauukulang ahensiya ng gobyerno.
Samantala, pagbabahagi ni Revilla 14 taon na nilang ginagawa ang “Dugong Alay, Pandugtong Buhay” para sa mga nangangailangan ng dugo.
Ngayon taon, daan-daang tauhan ng pambansang pulisya, AFP, BJMP, Coast Guard, gayundin ang maraming miyembro ng ibat-ibang civic organizations ang nag-donate ng kanilang dugo.