Sen. Jinggoy Estrada sinabing nailipat na si Elvie Vergara
Ibinahagi ni Senator Jinggoy Estrada na noong Lunes nailipat na si Elvie Vergara ng kanyang mga kaanak sa ibang lugar.
Ginawa ito bago ang pagtatangka sa buhay noong Martes ng gabi kay alias Dodong, isa sa mga testigo sa ginawang pang-aabuso kay Vergara ng kanyang mga dating amo.
Ayon kay Estrada, ang paglipat kay Vergara ay dahil sa may mga kahina-hinalang lalaki na umaaligid-aligid sa kanilang bahay sa Batangas.
Nasampahan na ng mga kasong serious physical injuries, illegal detention at paglabag sa Batas Kasambahay ang mga mag-asawang dating amo ni Vergara base sa kanyang reklamo.
Samantala, labis na ipinagtataka ni Estrada na sa kabila ng pagbabantay ng mga pulis at sundalo, napagtangkaan pa ang buhay ni Dodong.
At dahil aniya sa pangyayari, nagtatago na ang dalawa pang testigo na sina alias JM at alias Patrick.
Hiniling ni Estrada sa pamunuan ng Senado na mabigyan ng karagdagang seguridad ang tatlong testigo
“Protecting the witnesses is not just a legal obligation, it is a moral imperative. By upholding this duty, we not only promote the principles of fairness and equality, ensure an environment where they can testify freely and without fear and foster a culture where the voices of those silenced but willing to stand up for the truth are heard regardless of their social standing and circumstances,” ani Estrada.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.