Unti-unti nang napapakinabangan ang 10 ektaryang sa loob ng National Bilibid Prison Reservations sa Muntinlupa City.
Ibinahagi ni Bureau of Corrections Director General Gregorio Pio Catapang Jr., na sa pakikipagtulungan sa Department of Agriculture (DA) ay nagpapatuloy ang pagtatanim sa lupa para masuportahan ang produksyon ng mga gulay sa loob ng pambansang piitan.
Sa katunayan, dagdag pa ni Catapang, ilan sa mga gulay na ipinagbibili sa Kadiwa pop-up store sa Barangay Poblacion, na nakakasakop sa NBP, ay tanim ng persons deprived of liberty (PDLs).
“Actually some of the vegetables sold at the Kadiwa were planted and harvested by our PDLS tulad ng talong, okra, ampalaya, kalabasa, patola, pechay, kangkong at saging na saba,” aniya.
Ang pagiging bahagi ng BuCor sa Kadiwa Store ay handog nila kay Pangulong Marcos Jr., sa paggunita ngayon araw ng ika-66 kaarawan nito.
Ginagawa nila ito sa patnubay na rin ni Justice Sec. Jesus Crispin Remulla at kanilang paraan para mapalapit ang gobyerno sa mamamayan.
Inanunsiyo din ni Catapang na ang NBP ay gagawing permanenteng food terminal na tatawaging Pambansang Bagsakan ng Bigas para sa Mamamayan (PBBM) at katimugang bahagi ng Metro Manila.
Magtatayo din ng housing projects para sa mga kawani ng kawanihan, gayundin para sa informal settlers.