Makati LGU inulan ng online banat dahil sa mga gamit pang-eskuwela

Kaliwat-kanan ang mga post sa social media na labis na pumuna sa mga gamit pang-eskuwela na ibinigay ng pamahalaang-lungsod ng Makati.

Karaniwan sa mga naging reklamo ng mga magulang ay hindi kasya sa kanilang anak ang mga natanggap na uniporme at sapatos.

Una nang sinabi ni Mayor Abby Binay na taunang na nilang ginagawa ang pamamahagi ng mga uniporme at gamit pang-eskuwela sa mga mag-aaral sa mga pampublikong paaralan sa lungsod.

Sinabi pa niya na maging ang mga mag-aaral sa “EMBO” barangays na nailipat sa hurisdiksyon ng Taguig City ay makakatanggap pa rin ng mga gamit pang-eskuwela.

Diin lamang ng mga magulang, dapat ay nagkaroon ng “sukatan” sa kanilang mga anak para sakto ang natanggap na uniporme.

Nagtrending sa social media ang hashtag na #Swap dahil sa dami ng mga magulang na naghahanap ng makakapalitan ng mga uniporme at sapatos para sa kanilang mga anak.

May ilan na nagsabi na handang bilihin ang tamang sukat ng uniporme para sa kanilang anak.

 

Read more...