Nakipagkita si dating Pangulo at ngayon ay Pampanga Representative Gloria Macapagal-Arroyo kay dating Pangulong Duterte.
Nakasama sa pagkikita ng dalawang dating pangulo sina dating Senate President Vicente “Tito” Sotto III, dating Executive Sec. Salvador Medialdea at Sen. Christopher “Bong” Go.
Ang mga larawan ng pagkikita ay nai-post ni Go sa kanyang social media account.
Aniya si Macapagal-Arroyo ang humiling na makipagkita kay Duterte at hinikayat ng una ang huli na maging aktibo muli sa pulitika.
“Nagkataong magkasama kami ni Tatay Digong noon matapos ko siyang samahan sa kanyang medical check up sa hospital, gaya ng dati kong ginagawa sa kanya,” pagbabahagi ni Go.
Dagdag pa ng senador: “Sa nasabing pagkikita, kinukumbinsi din ni dating pangulong Arroyo si dating pangulong Duterte na maging aktibo muli sa pulitika. “Sabi ko nga, magkaiba man ng pinanggalingan, iba’t iba man ang hinawakan nilang posisyon sa gobyerno, iisa lang ang kanilang hangarin—ang paglingkuran ang sambayanan.”
Ayon naman kay Sotto, nagkamustahan lamang sila ni Duterte at aniya dadalawin niya dapat ito sa Davao City ngunit sinabihan siya na paluwas naman ng Metro Manila ang dating pangulo kayat sila ay nagkita.
Si Macapagal-Arroyo ani Sotto ang unang umalis sa pagkikita nila.