DILG-Cavite chief, TV program irereklamo ng dating Cavite City mayor

By Jan Escosio September 11, 2023 - 11:45 AM

FILE PHOTO

Binabalak ni dating Cavite City Mayor Bernardo “Totie” Paredes na pormal na ireklamo ang provincial director ng Department of the Interior and Local Government (DILG) dahil sa iregularidad sa pagpapatupad ng desisyon ng  Office of the Ombudsman.

Sa isang pahayag, sinabi ni Paredes na balak din niyang gumawa ng legal na hakbang laban sa news program ng isang television network dahil sa mapanira nitong ulat laban sa kanya.

“Kami ay naghahanda na sampahan ng karampatang aksyong legal at reklamo laban sa iregular na pagpapatupad ng desisyon ng Ombudsman ang DILG provincial director gayundin ang isang programa sa isang TV network sa kanilang mapanlinlang at mapanirang balita laban sa akin,” pahayag ni Paredes.

Dagdag pa niya, naniniwala siya na nagpagamit ang opisyal ng DILG at programa sa telebisyon sa kanyang kalaban sa pulitika para sirain ang kanyang pangalan at ang morale ng mga kakampi niyang opisyal ng barangay na tatakbo sa nalalapit na  barangay elections.

Iniulat ng programa na pinigilan si Paredes ng nasabing DILG official na tumakbong chairman ng Barangay 25 dahil napatunayan siyang guilty ng Ombudsman sa kasong grave misconduct at conduct unbecoming of a pubic official kaugnay ng kaso ng umano’y panggagahasa na inihain ng isang menor de edad.

Binanggit din sa ulat na dahil sa hatol na guilty, hindi na maaaring tumakbo si Paredes sa anumang puwesto sa gobyerno o humawak ng anumang pampublikong tanggapan.

Ipinagdiinan ni Paredes na ito ay “black propaganda” dahil wala siyang balak na makilahok sa papalapit na eleksyon.

Sinabi pa niya na hindi nakipag-ugnayan sa kanya ang TV program para makuha ang kanyang panig at bago ipinalabas ang ulat.

Paliwanag pa niya hindi pa pinal ang desisyon at aniya mayroon siyang inihain na motion for reconsideration noong nakaraang buwan at kukuwestiyonin niya ito sa mataas na hukuman kung kakailanganin.

Giit ng dating opisyal, ilegal ang ginawang hakbang ng opisyal ng DILG sa katuwiran na naksaad sa Section 62 ng Local Government Code na ipinagbabawal ang pagpapatupad ng anumang disciplinary decision laban sa kasalukuyan o dating opisyal ng gobyerno sa loob ng 90 araw bago ang anumang halalan.

Nilinaw din ni Paredes na wala siyang kinakaharap na kasong rape sa Regional Trial Court Branch 277 sa Mandaluyong City.

TAGS: barangay election, Cavite City, DILG, barangay election, Cavite City, DILG

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.