Hindi pabor si Senator Imee Marcos sa pagsasagawa muli ng revalidation ng certificates of land ownership awards sa mga magsasaka alinsunod sa Republic Act 11953 o ang New Agrarian Emancipation Act.
Ginawa ni Marcos ang pagpapahayag ng kanyang pagtutol bago pirmahan ni Pangulong Marcos Jr., ang implementing rules and regulations (IRR) ng batas bukas.
Diin ng namumuno sa Senate Committee on Social Justice na ang batas ay ginawa para mapabilis ang pagbibigay ng lupa sa agrarian reform beneficiaries (ARBs).
Sinabi naman niya na ang pagkumpleto sa IRR ay itinuturing niyang parangal sa kanyang yumaong ama, si Pangulong Ferdinand Marcos, na kinikilanang “father of land reform” sa paggunita ng kanyang ika-106 araw ng kapanganakan ngayon araw.
Paliwanag pa ng senadora mawawalan ng saysay ang IRR kung magsisilbing balakid ang ilan sa mga nilalaman nito para maabot ng mga magsasaka ang pangarap na magkaroon ng sariling lupa.
Sabi pa ni Marcos bukod sa mabubura na ang mga utang ng mga magsasaka, na layon ng batas, mapapadali na ang kanilang pag-utang para mapalago ang kanilang produksyon.