Sinabi ni Senate President Juan Miguel Zubiri na pagsusumukapan nila sa Senado na madagdagan ang “confidential and intelligence funds” (CIF) ng Philippine Navy at Philippine Coast Guard (PCG) bunga ng tumitinding tensyon sa West Philippine Sea.
Nararapat lamang aniya ito dahil sa patuloy na ipinaglalaban at pinangangalagaan ng PN at PCG ang teritoryo at sobereniya ng Pilipinas.
“Dahil sa nangyayari sa West Philippine Sea, gusto po namin dagdagan ang budget ng ating mga sundalo at Navy personnel, lalo na sa Navy at coast guard, to strengthen our external defense capabilities para magkaroon po tayo ng credible defensive posture,” ani Zubiri.
Aniya P10 milyon at P39.74 milyon lamang ang CIF ng PCG at PN ngayon taon sa kabila na matindi ang kanilang obligasyon na bantayan ang teritoryo ng bansa.
“Imagine, yung Coast Guard ay P10 million lang yung confidential fund nila. Yung ibang ahensya ng gobyerno, hundreds of millions. So, I would suggest na pwede nating ilipat doon sa mga kailangan talaga ng inteligence funds at madagdgan ang intelligence funds to protect us both internally and externally,” dagdag pa ni Zubiri.
Pangako na lang ni Zubiri, kapag natanggap nila ang 2024 General Appropriation Act (GAA) mula sa Kamara, dadagdagan nila ang CIF ng dalawang nabanggit na ahensiya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.