Mataas na presyo ng bigas itinuro ni Villar sa mga kartel
May sapat na suplay ng bigas sa bansa at ang nangyayari sa ngayon ay “artificial shortage” na kagagawa ng mga kartel.
Ito ang ipinagdiinan ni Sen. Cynthia Villar dahil sa paninisi na ang Rice Tarrification Law (RTL) ang puno’t dulo ng kulang na suplay at mataas na presyo ng bigas sa bansa.
Giit ni Villar maraming magsasaka na ang nakikinabang sa mga benepisyo ng isinulong niyang batas.
Katunayan aniya, may isang kompaniya sa Nueva Ecija ang nagsabi na maaring nang makabili ng isang kilo ng palay sa halagang P8.
Paliwanag ng namumuno sa Senate Committee on Agriculture kung ganito ang presyo ng palay posible ang P25 kada kilo ng bigas.
Samantala, naniniwala si Villar na kapag naamyendahan na ang anti-agricultural smuggling law maaring mawala na ang pagsasamantala sa suplay at presyo ng bigas sa bansa.
Sa panukala, ang mahuhuli na ilegal na nag-iimbak ng P1 milyong halaga ng mga produktong-agrikultural ay maari nang kasuhan ng economic sabotage na may katapat na mas mabigat na kaparusahan.
Bukod dito, dagdag pa ni Villar, magtatalaga na rin ng Anti-Agricultural Products Smuggling court, para mapabilis ang paglilitis at pagsentensiya sa mga bumubuo ng kartel.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.