Fil-Indian billionaire pumalag sa “kawawa role” ng kapatid sa nobela ng pamilya
Pinabulaanan ng isang bilyonaryong Filipino-Indian ang mga isinasampang reklamo ng kanyang nakakatandang kapatid.
Naghain si Rajiv Chandiramani ng counter-affidavit sa Department of Justice (DOJ)sa mga kasong falsification at forgery na isinampa ng kapatid na si Amith Chandiramani.
Iginiit nito na walang legal na basehan ang mga kaso dahil ito naman ay “rehashed version” na lamang ng naunang isinampa laban sa kanya na ibinasura na ng Makati City Prosecutors Office.
Pagdidiin ni Rajiv na kung susuriin lamang mabuti ang mga alegasyon ng kanyang kapatid ay lalabas na wala itong basehan, gawa-gawa at malaking kalokohan lamang.
Aniya ang lahat ay nag-ugat sa isyu sa pamana ng kanilang yumaong ama na si Prem Chandarimani at inakusahan siya ng nakakatandang kapatid na “dinoktor” lamang ang pirma ng ama para sa dalawang “deeds of absolute sale” ng mga lupa.
Dagdag pa ng nakakabatang Chandarimani na tunay at notaryado ang mga dokumento na may kaugnayan sa pinagdudahang dokumento ng kanyang kapatid, na nais palabasin ang sarili na kinawawa sa istorya ng kanilang pamilya.
“As the evidence will show, Amith had acted in utter bad faith and had knowingly made untruthful and deceitful allegations in his complaint affidavit. In doing so, he has resurrected and has re-filed the same falsification complaint that was earlier dismissed by the Makati City Prosecutors’ Office,” ani Rajiv.
Ibinahagi pa nito na nagkaroon na sila ng kasunduan ng kapatid na babawiin ang mga isinampang kaso sa isa’t-isa.
Aniya may pirmadong “affidavit of desistance” ang nakakatandang kapatid, kung saan inamin nito ang mga pagkakamali na humantong sa mga maling alegasyon.
Kasunod pa ng pag-aayos ng magkapatid ay binigyan niya ng milyong-milyong piso ang kanyang kuya bilang pagtalima sa kanilang napagkasunduan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.