Philippine Credit Card Act, naghihintay na lang ng pirma ni PNoy

By Kathleen Betina Aenlle June 27, 2016 - 04:38 AM

 

Pirma na lang ni Pangulong Aquino ang hinihintay para maisabatas na ang panukalang isailalim sa pagbabantay ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang mga nagbibigay at nag-aapply ng credit card sa bansa.

Sa ilalim ng panukalang Philippine Credit Card Industry Act, pamamahalaan na at tututukan ng BSP ang lahat ng transaksyon sa credit card, pati na ang mga bangkong nagbibigay ng credit card at sa mga kumukuha nito.

Sa pamamagitan rin nito maiiwasan na ang mga mapang-abusong gawain ng mga kolektor at ng mga kumpanyang nagbibigay ng credit cards lalo na sa tuwing sila ay naniningil na.

Oras na ito ay maisabatas, magkakaroon na ng kapangyarihan ang BSP na gawing iisa na lamang ang patakaran sa application ng credit card, at ang pagsuri kung sinusunod ba ng mga ito ang mga batas.

Posible ring malimitahan o tanggalin na ng tuluyan ang pagpapabayad ng annual membership fees para sa credit cards, at obligado na rin silang sabihin sa mga customer ang lahat ng mga bayad na ipapataw nila lalo na ang mga penalties.

Kapag lumabag ang credit card issuer sa mga panuntunang ipapatupad ng BSP, maaring makansela ang kanilang kapangyarihang magbigay ng credit card, at sinumang lumabag sa mga regulasyon ng Monetary Board ay maaring makulong ng dalawa hanggang sampung taon o magmulta ng P50,000 hanggang P200,000.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.