Bayad sa upa ng rice retailers sagot ng gobyerno
By: Chona Yu
- 1 year ago
Bukod sa P15, 000 na pinansiyal na ayuda, may iba pang tulong ang pamahalaan sa mga rice retailers na apektado Executive Order No. 39 ni Pangulong Marcos Jr., na pagtatakda sa presyo ng bigas.
Ayon kay Trade Asec. Agaton Uvero, katuwang ang local government units, may ibibigay na libreng isang buwang renta sa pampublikong palengke para sa mga nagtitinda ng bigas.
Nakikipag-ugnayan naman ang Department of Agriculture (DA) sa LGUs para sa logistics support sa pag-deliver ng mg bigas.
Ito’y para makabawas sa presyo ng bigas ang gastos sa pagkuha sa bodega hanggang sa mga retailer.
Sabi pa ni Uvero, inihahanda na rin ng DTI ang interest-free loans para sa maliliit na negosyong naapektuhan ng ipinatupad na price cap.
Inulit ng opisyal na pansamantala lang ang implementasyon ng price ceiling dahil sa sandaling maging stable na ang presyo sa merkado ay babawiin na rin ang EO, na inaasahang hindi na matatagalan dahil papasok na rin ang panahon ng anihan.
Nakasaad sa EO na nasa P41 lamang ang presyo ng regular milled rice kada kilo habang P45 naman ang presyo sa kada kilo ng well-milled rice.