Handa ang Philippine Rice Industry Stakeholders Movement (PRISM) na makipagtulungan sa gobyerno sa pagpapatupad ng Executive Order 39 ni Pangulong Marcos Jr., na nagtatakda ng “price cap” sa mga bigas sa bansa.
Sinabi ni PRISM lead convenor Rowena Sadicon na nakikipag-ugnayan na sila sa Department of Agriculture (DA) at sa Department of Trade and Industry (DTI) para sa suplay ng bigas na mabibili ng konsyumer sa itinakdang P41 at P45 kada kilo ng bigas.
Aniya may mga nagbabantay na sa kanilang hanay para matiyak na nasusunod ang mga itinakdang presyo sa regular-milled at well-milled rice.
Pag-amin na lamang nito na hirap ang marami sa kanila na makasunod sa itinakdang mga presyo dahil nabili nila ang kasalukuyan nilang suplay sa mas mataas pang halaga.
Ngunit aniya wala naman silang magagawa kundi ang sumunod sa utos ni Pangulong Marcos Jr.
Nakasaad sa kautusan na ang mga lalabag ay maaring makulong ng hanggang 10 taon at pagmultahin ng hanggang P1 milyon.