Mababa ng 50 porsiyento ang 2024 budget ng Governance Commission for Government Owned and Controlled Corporations (GCG) kumpara sa kanilang kasalukuyang budget.
At ito ay lumusot na sa Senate Subcommittee on Finance ni Sen. Jinggoy Estrada.
Sa pagtalakay ng budget ng GCG, naitanong ni Estrada sa ahensiya kung ano ang gagawing aksyon sa GOCC na palpak o nagpapabaya sa kanilang trabaho at ibinigay na halimbawa ang Civil Aviation Authority of the Philippines.
Ipinaliwanag naman ng GCG na matapos ang mga nangyaring aberya sa airport, may plano ng reorganisasyon ang CAAP upang ihiwalay na ang tungkulin nito bilang regulator at pamamahala sa operasyon sa mga paliparan.
Natalakay din sa pagdinig ang papel ng GCG sa Maharlika Investment Fund (MIF) kung saan kinumpirma ng ahensya na bahagi sila ng ad hoc technical working group na sasala sa mga itatalaga sa Maharlika Investment Corporation.
Sa usapin naman ng merger ng Development Bank of the Philippines at Land Bank of the Philippines, nangako ang GCG na posibleng bago matapos ang taon ay magkaroon na sila ng rekomendasyon hingil dito.
Habang kinumpirma ng GCG na patuloy din nilang pinag-aaralan ngayon ang panukalang ihiwalay na ang regulatory function ng PAGCOR sa commercial functions nito at inaalam nila ang posibleng epekto ng pagsasapribado ng korporasyon.
Inihayag din ng GCG na itinutulak pa rin nila ang privatization ng IBC 13 subalit iginiit ang pangangailangang ma-extend ang franchise nito na magtatapos sa 2025.
Ipinaalala naman ni Estrada ang pangamba ng marami na posibleng ma-bankrupt ang Philhealth na nasa ilalim din ng pamamahala ng GCG dahil sa matataas na kompensasyon ng mga executives nito.
Kinumpirma rin ng GCG na ginawa na nilang standard ang kompensasyon na tinatanggap ng Philhealth executives upang matiyak na maisasaayos ang pondo ng ahensya. Sa huli, nangako ang sponsor ng panukalang budget ng ahensya na si Estrada na gagawin ang lahat ng makakaya upang madagdagan ang pondo nito.