Desisyon ng UN Arbitral Tribunal, posibleng ilabas sa  unang bahagi ng Hulyo

By Kathleen Betina Aenlle June 27, 2016 - 03:00 AM

 

Inquirer file photo

Inaasahang mawawalan ng bisa ang mga pag-angkin ng China sa buong South China Sea oras na ilabas na ng United Nations arbitral court ang desisyon nito kaugnay sa agawan ng teritoryo sa nasabing rehiyon.

Ayon kay Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio, posibleng ilabas ng UN Permanent Court of Arbitration ang desisyon sa kaso ng Pilipinas laban sa China sa July 7.

Gayunman, sasabihan lamang ang mga partido at mga observers pitong araw bago ilabas ang desisyon.

Aniya, kailangang maipunto sa desisyon ng arbitral court na walang bisa ang iginigiit ng China na nine-dash line, at para maitigil na ang agresibong pag-angkin nito sa mga teritoryong ipinipilit nilang napapaloob dito.

Ani pa Carpio, tatlo lang ang maaring kahinatnan ng kaso: Una ay isang “win-win” na desisyon kung saan mayroong tatanggapin at tatanggihan ang korte sa 15 points na iniakyat ng Pilipinas; pangalawa ay ang tuluyang pagsa-walang bisa sa nine-dash-line ng China; at ang pangatlo ay ang pag-balewala nito sa petisyon ng Pilipinas.

Pero giit ni Carpio, malabong mangyari ang pangatlo.

Samantala, sang-ayon naman si Carpio sa plano ni incoming President Rodrigo Duterte na makipag-usap sa China, pero aniya dapat itong gawin pagkatapos nang lumabas ng ruling.

Malaki ang paniniwala ng mga opisyal at analysts na magiging pabor sa Pilipinas ang desisyon, lalo na’t hindi naman nagpakita ang China sa proceedings at wala anila silang balak kilalanin ang anumang magiging desisyon ng UN.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.