Business establishments sa mga residential areas, pinasusuri ni Belmonte
Inatasan ni Quezon City Mayor Joy Belmonte sa Business Permits and Licensing Department (BPLD), Department of Building Official (DBO), Zoning Administration Unit, at Quezon City Fire District (QCFD) na magsagawa ng mas mahigpit na inspeksyon sa mga negosyo sa mga subdivision at mga residential areas.
Ginawa ni Belmonte ang utos matapos ang isang bahay na ginawang paimprintahan ng T-shirt sa Pleasant View sa Tandang Sora, Quezon City na ikinasawi ng 15 katao kabilang na ang tatlong taong gulang na batang babae.
Ayon kay Belmonte, hindi na dapat na maulit pa ang kahalintulad na insidente.
“Ang trahedyang ito ay naiwasan sana kung walang palusot at panlilinlang na nangyari. Buhay ang naging kapalit ng hindi tamang pagsunod sa ating mga batas at regulasyon. Hindi natin ito hahayaang maulit. Mananagot ang dapat managot, at isasara natin ang dapat isarang negosyo na hindi sumusunod sa tama,” pahayag ni Belmonte.
Nabatid na walang building permit na nakapangalan sa may-ari ng bahay.
“Kalunos-lunos ‘yung nangyaring sunog na hindi mangyayari kung tama sana ang idineklarang negosyo ng korporasyon. Mas hihigpitan pa natin ‘yung proseso at assessment bago makakuha ng permit lalo na para sa mga negosyong nakatayo o itatayo sa loob ng subdivisions o high-density residential areas,” pahayag ni Belmonte.
Bumuo na ngayon ang City Legal Department ng Special Panel of Investigators na mag-iimbestiga sa sunog at magsampa ng kaso sa mga natitirang opisyal ng korporasyon kung kinakailangan.
Kabilang sa mga maaring isampa ang kasong Reckless Imprudence resulting to multiple homicide at physical injuries; paglabag sa Fire Code (RA 9514); Building Code (PD 1096); at Labor Laws and Standards.
Kasong administratibo at criminal naman ang maaring kaharapin ng mga lokal na opisyal na mapatutunayang nagpabaya sa tungkulin.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.