Rice traders tatalima sa price ceiling na itinakda ni Pangulong Marcos
Handa ang Philippine Rice Industry Stakeholders Movement (PRISM) na makipagtulungan sa pamahalaan para mabigyan at makabili ng murang bigas ang mga mamimili.
Pahayag ito ng asosasyon ng rice traders matapos aprubahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang Executive Order No.39 na nagtatakda sa presyo ng bigas sa P41 kada kilo sa regular milled rice at P45 sa kada kilo ng well milled rice.
Ayon kay Rowena Sadicon, lead convenor ng PRISM, hangad ng kanilang hanay na mabigyan ng tamang presyo ang mga mamimili.
“Sa kabila po nito ay patuloy pa rin po kaming nakikiusap, at nakikipag-usap rather, at in partnership with the President and the government, together with the DA, at ang ating pamahalaan. Ang gusto po natin ay magkaroon ng maayos na bigas sa ating pamilihan, na mabigyan po natin ng tamang presyo, na kung ano po ‘yung hinihiling sa atin,” pahayag ni Sadicon.
“Maaari pong hindi maintindihan ng lahat sa simula pero eventually po sa sama-samang pagtutulong ng ating mga kasamahan sa industriya ng bigas ay mapapagtagumpayan din po lahat ito at maihahain po natin sa ating mga consumers ang ating murang bigas, na ito po ang layunin ng ating Pangulo,” dagdag ni Sadicon.
Pag-amin ni Sadicon, may mga negosyante ang pumalag sa utos ni Pangulong Marcos. Pero umaasa si Sadicon na maiintindihan ng mga miyembro ng PRISM ang hakbang na ito ng punong ehekutibo.
“Ito po ay sana po masundan po ng ating mga stakeholders at maintindihan din nila. Maraming salamat po sa pagkakataong ito na pinakinggan n’yo rin kami at mapakinggan din po namin kung ano ang dahilan ng ating Presidente sa pagbigay ng executive order na ito. At andito po ang PRISM na patuloy na tutulong sa inyo,” pahayag ni Sadicon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.