5 CAFGU napatay ng Bicol-based rebels sa Quezon ambush

Limang miyembro ng Citizens Geographical Unit (CAFGU) ang nasawi  habang tatlong iba pa kabilang na ang  isang militar ang sugatan matapos tamaan ng  bala at masabugan ng bombang itinanim ng mga rebeldeng komunista na nabibilang sa Bicol Regional Party Committee of the Communist Party of the Philippines/ New People’s Army (CPP/NPA) sa Sitio Pag- asa, Brgy. Mapulot, malapit sa  boundaries  Tagkawayan, Quezon at Labo, Camarines Norte sa Bicol region. Kinilala ang limang nasawi na sina  Cesar Sales, Jeffrey San Antonio, Aljohn Rapa, Johnwell Perez, Jomari Guno, pawang mga residente ng  Tagkawayan, Quezon at miyembro ng CAFGU sa ilalim ng  85th Infantry Battalion ng Army’s 201st Infantry Brigade. Sugatan naman sina  Corporal Marvijun Oller, Jr., Lauro De Guzman at Regie Macalintal, pawang residente rin Tagkawayan. Sa ulat na nakarating sa tanggapan ni  Quezon police director Col. Ledon Monte, nabatid na ang insidente ay naganap dakong 7:22 ng umaga habang nagpapatrulya ang puwersa ng pamahalaan sa pangunguna ni Oller sa nasabing barangay  nang maka-engkwentro nila ang mga rebelde gamit ang mahahabang armas at bomba na nagresulta sa 30 minutong bakbakan hanggang sa umatras ang mga rebelde  dala ang mga sugatang kasamahan. Base sa ulat,  sinabi ni Monte na ang mga rebelde ay nagsasalita ng Bicol at pawang mga nakasuot ng pulang  bandana at itim na kamison, isang tipikal na kasuotan ng mga rebeldeng nakabase sa Bicol. Nang malaman ang insidente ay agad na pinaigting ni Monte ang pagbabantay sa seguridad sa nasabing lugar sa pamamagitan ng  deployment ng Regional Mobile Force Battalion at 2nd Quezon Provincial Mobile Force Company para suportahan ang 85th IB troops. Sinabi pa ni Monte na pinaigting din ang  on-going joint PNP-AFP  Checkpoint Operations sa koordinasyon ng  COMELEC, habang nakikipag-usap  sa mga kalapit na mga ospital at clinic kung mayroong dinala na sugatang rebeldeng komunista. Ang Bicol region ay kilala bilang balwarte ng CPP/ NPA. Noong nakaraang dekada,  maraming pananambang at pagsalakay ang ginawa ng rebeldeng komunista  sa Southern part ng Quezon na pinalala pa ng mga Bicol- based rebels mula sa  boundaries. Ang Quezon ay may mga boundaries sa probinsya ng  Camarines Sur, Camarines Norte at Masbate na nagbibigay opurtunidad sa mga rebeldeng Bicolanong NPA  na makapagpadala ng suporta sa kanilang mga kapwa rebelde sa mga bayan sa Southern Quezon kung kinakailangan. Matatandaan na ang  Quezon ay dineklara na bilang  insurgency- free province noong June 12 kasabay ng 125th Philippine Independence Day celebration kung saan pinangunahan ni Quezon Governor Angelina “Helen” Tan ang province-wide declaration ng Stable Internal Peace and Security (SIPS). Kasunod ng pinagsamang pagkilos ng militar at kapulisan, ang mga local government units,  national governement agencies at civic groups, ang 39 na munisipalidad at dalawang siyudad ay dineklara bilang mga insurgency- free.

Read more...