Hindi sumipot sa pagdinig ng Land Transportation Office ang dating pulis na nag-viral sa social media dahil sa panunutok ng baril sa isang siklista sa Quezon City.
Ayon kay LTO-National Capital Region Acting Assistant Regional Director Hanzley Lim, hindi nagsumite ng affidavit si Wilfredo Gonzales.
Itinakda ng LTO ang pagdinig ng alas 2:00 kahapon, Agosto 31 sa LTO-NCR Office sa Quezon City.
Ayon kay Lim, ang anak ni Gonzales ang nagsilbi niyang kinatawan sa pagdinig.
Isinauli ng anak ni Gonzales ang driver’s license matapos patawan ng LTO ng 90 araw na suspension order.
“Mr Gonzales did not submit an affidavit so we take it as a waiver on his part for us to decide on the matter based on the pieces of evidence we have,” pahayag ni Lim.
Base sa Show Cause Order (SCO) na nilagdaan ni LTO-NCR Director Roque Verzosa III na tinanggap ni Gonzales noong Agosto 28, kung saan, sakaling mabigo na makapagsumite ng sinumpaang salaysay ay ituturing nang pag-amin sa mga aksyon na ipinaparatang sa kaniya.
Pinagpapaliwanag ng LTO si Gonzales kung bakit hindi dapat na parusahan sa apat na paglabag sa ilalim ng Republic Act 4136 o ang Land Transportation and Traffic Code, kabilang na reckless driving, obstruction of traffic at improper person to operate a motor vehicle.
“With the absence of the notarized affidavit, these cases were already submitted for resolution and whatever the results, they will be submitted to the office of our LTO Chief, Assistant Secretary Vigor Mendoza II, for approval,” pahayag ni Lim.
Ang pinakamabigat na parusang maaaring ipataw ng ahensya kay Gonzales ay habang buhay na nitong hindi magagamit ang kaniyang lisensya sa pagmamaneho.
Samantala, tumalima naman ang rehistradong may-ari ng KIA Rio sa kautsan ng LTO na magpaliwanag sa pamamagitan ng isinumite nitong sinumpaang salaysay at pagpapakita ng Deed of Sale na katunayang naibenta na nito ang sasakyan sa anak ni Gonzales.