COA pinuna ang P5.24-M halaga ng grocery ng Treasury Bureau
By: Jan Escosio
- 1 year ago
Nadiskubre ng Commission on Audit (COA) ang pagbili ng Bureau of Treasury (BoT) ng higit P5.24 milyong halaga ng “grocery items” na ipinamudmod sa kanilang mga opisyal at kawani noong nakaraang taon.Ayon sa COA kapos sa “proper authorizations” ang pagbili ng kawanihan ng “grocery goods” at nagbunga ito ng mas mataas na paggastos sa kanilang pondo.Hindi din nadetermina, ayon sa COA, ang kahalagahan ng naturang gastusin.Nabatid na kabilang sa 22 grocery items na ibinigay sa mga opisyal at kawani ay 25 kilo ng bigas, pork sausages, isang dosenang lata ng tuna flakes, walong lata ng luncheon meat, walong lata ng Vienna sausage, anim na lata ng corned beef, dalawang lata ng condensed milk, at isang litro ng vegetable oil.Nabatid na ang halaga ng bawat grocery package ay mula P13, 205 hanggang P14,999.96.Inaprubahan ng kalihim ng Department of Finance (DOF) ang hiling ng pamunuan ng BoT na mamahagi ng “food items” sa kanilang mga kawani dahil sa maayos na pagta-trabaho.Ayon naman sa COA, hindi sapat ang pag-apruba ng kalihim ng DOF dahil kailangan pa rin ang pagsang-ayon ng pangulo ng bansa sa mga naturang uri ng paggamit ng pondo ng bayan.