Globe, NABU may mga bagong libro sa Buwan ng Wika
By: Jan Escosio
- 1 year ago
Inilabas ng Globe at NABU ang mga bagong libro kaugnay sa pagdiriwang sa bansa ng Buwan ng Wika.
Sa pahayag ng Globe at ng publisher ng mga pambatang libro, na napakahalaga ng wika para sa pagkakaisa ng bansa.
Ang tema ng Buwan ng Wika ngayon taon ay “Filipino at mga Katutubong Wika: Wika ng Kapayapaan, Seguridad, at Inklusibong Pagpapatupad ng Katarungang Panlipunan.”
Nakipag-ugnayan ang NABU sa tatlong ina para ibahagi ang kanilang mga kuwento sa “Mother’s Legacy Project” at ang mga titulo – “Ang Malaking Dagat na Tinatawag na Internet” ni Chary Mercado, na tungkol sa tamang paggamit ng internet; “Panganay, Gitna, at Bunso” ni Georgia del Rosario, na tungkol sa magandang samahan ng magkakapatid; at “Kaaya-ayang Balat” ni Laura Verallo de Bertotto, na tungkol nman sa kahalagahan ng malusog na balat.
Nagbahagi ang Globe at NABU ng mga kwentong katha ng mga nanay, gayundin ang mahigit 100 aklat na isinalin sa iba’t ibang wika sa Pilipinas gaya ng Tagalog, Hiligaynon, Bicolano, Ilokano, Cebuano, at Maranao.
Layon nito na turuan ang mga bata sa kanilang sariling wika saan mang panig ng bansa sila nakatira.
Para sa Globe at NABU, mahalagang magbasa ang mga bata ng mga kwento kung saan may mga karakter na pamilyar sa kanila gaya ng mga ina na tinaguriang ilaw ng tahanan.
Hangad nilang ibahagi sa mga bata ang mga kwentong naglalaman ng mga pangarap at saloobin ng mga ina para sa kanilang mga anak.
“Ang wika ay hindi lamang isang communication tool. Dito nakapaloob ang ating values, mga tradisyon, at ang ating kasaysayan. Sa pamamagitan ng paghikayat sa mga bata na matuto at yakapin ang kanilang katutubong wika, magkakaroon tayo ng isang lipunan kung saan ang bawat isa ay may tinig na maririnig ng mas nakararami,” pahayag ni Yoly Crisanto, Chief Sustainability at Corporate Communications Officer ng Globe.
Ayon naman kay Mauro Daez, country manager ng NABU Philippines: “Ang yaman ng ating kultura ay nakapaloob sa ating mga wika. Sa pamamagitan ng pagtataguyod ng pag-aaral sa iba’t ibang katutubong wika, hindi lamang natin pinapangalagaan ang ating linguistic differences kundi pinapalapit din natin ang ating mga anak sa kanilang pinagmulan.”
Ang NABU ay isang grupo mula sa New York na layunin ay tulungan at hikayatin ang mga bata na mahalin ang pagbabasa.