P1 million liability sa naunsyaming mall voting, pinababayaran kay Comelec Chair Bautista

By Isa Avendaño-Umali June 26, 2016 - 01:51 PM

guanzon-bautista-620x340Para sa isang commissioner ng Commission on Elections, dapat mismong si Comelec Chairman Andres Bautista ang magbayad ng nasa isang milyong piso sa Robinsons Land Corporation o RLC hinggil sa naunsyaming mall voting noong May 9 polls.

Ayon kay Commissioner Rowena Guanzon, personal liability ni Bautista ang isyu, at wala umanong pakialam dito ang Comelec En Banc.

Batay sa naunang reports, ang RLC ay humingi sa Comelec ng 1 million pesos para sa mga gastos sa paghahanda sa planong botohan sa mga mall.

Sina Bautista at RLC President Frederick Go ang lumagda raw sa memorandum of agreement upang maisagawa ang botohan sa dalawampung Robinsons malls.

Gayunman, muling sinabi ni Guanzon na si Bautista lamang ang pumirma sa MOA, at wala aniya itong otorisasyon mula sa En Banc o ‘ultra vires’, na Latin para sa ‘beyond the powers.’

Ani Guanzon, hindi raw siya boboto para bayaran ang naturang halaga, lalo’t marami sa Comelec commissioners ang hindi pabor sa mall voting, gaya nina Arthur Lim at Luie Guia.

Matatandaang ibinasura ng Comelec En Banc ang panukalang mall voting, na isinulong noon ni Bautista.

Kumpiyansa naman si Guanzon na malalagpasan ni Bautista ang kinakaharap nitong usapin sa RLC.

 

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.