AFP, kinumpirma na ang pangingidnap ng Abu Sayyaf Group sa 7 Indonesian sailors

abu-sayyafKinumpirma na ng Armed Forces of the Philippines ang pangingidnap ng Abu Sayyaf Group sa pitong Indonesian sailors sa Sulu Sea.

Ginawa ng AFP ang pagkumpirma dalawang araw simula ng ianunsiyo ng mga otoridad ng Indonesia ang insidente.

Ayon sa AFP Western Mindanao Command, hinarang ng mga armadong kalalakihan na nakasakay sa dalawang motorized boat ang tugboat ng mga dayuhan na patungo sana ng Indonesia sa Sulu Sea bandang alas onse ng umaga noong June 22.

Ayon din sa ulat ng Wesmincom, pito lamang sa labing tatlong sailor na sakay ng Indonesia tugboat ang kinuha ng mga armadong kalalakihan.

Nabatid na itinurn over ang pitong Indonesians ng armadong kalalakihan na kalaunan ay nakilalang Muktadil brothers kay Abu Sayyaf Group sub-leader Majal Adja alias Apo Mike sa Sulu.

Kabilang aniya sa mga kinidnap ay ang kapitan ng bangka na nakatawag pa sa kanyang asawa sa Indonesia upang ipaalam ang pagkakabihag sa kanila at ang hinihinging 20 million Malaysian ringgit ransom.

Ayon kay Indonesian Foreign Minister Retno Marsudi, base sa nakalap nilang mga impormasyon, isinagawa ng dalawang magkaibang grupo ang pangingidnap.

Aabot sa labing pitong Indonesian sailors ang binihag na ng bandidong grupo sa magkakahiwalay na insidente simula noong nakaraang taon na kalaunan ay pinalaya din.

Noong Biyernes, pinalaya na rin ng bandidong grupo ang pinay na bihag na si Marites Flor na kabilang sa mga kinidnap na mga dayuhan noong September 25 sa Samal Island.

Read more...