US Justice Department, interesado sa ari-arian ni Napoles

napoles
Inquirer file photo

Nagsampa ng “forfeiture complaint” ang US State Deparment para makuha ang $12.5 million na halaga ng mga ari-arian ng tinaguriang Pork Barrel Queen na si Janet Lim-Napoles.

Sa reklamong inihain ng Justice Department ng US sa Los Angeles District Court para makuha ang kontrol sa lahat ng ari-arian ni Napoles kabilang ang condominium nito sa Los Angeles, isang motel malapit sa Disneyland, at isang Porsche Boxster na binili umano ni Napoles para sa kaniyang anak.

Inilakip ng US Justice Department ang mga impormasyon sa kasong kinasasangkutan ni Napoles dito sa Pilipinas na may kaugnayan sa pork barrel scam.

Isa sa inihalimbawa ang panunuhol ni Napoles ng halagang aabot sa 10 million dollars sa mga pulitiko at opisyal ng gobyerno mula taong 2004 hanggang 2012 para maibulsa ang 200 million dollars na halaga ng pondo na dapat sana ay para sa mga proyektong pantulong sa mga mahihirap na Pinoy.

Ayon kay Assistant Attorney General Leslie Caldwell, hindi dapat mahayaan na ang Estados Unidos ay gamiting taguan ng mga nakaw na yaman ni Napoles.

“The Justice Department will not allow the United States to become a playground for the corrupt or a place to hide and invest stolen riches,” sinabi ni Caldwell.

Aabot umano sa $12 million ang perang inilipat ni Napoles sa US accounts nito na nakasailalim sa pangalan ng kaniyang pamilya, at ang bahagi nito ang ginamit para mabili ang Ritz-Carlton Hotel, isang motel, at iba pa nitong properties. /Dona Dominguez-Cargullo

Read more...