Publiko, maaring tumawag ng direkta kay Duterte para isumbong ang mga tiwaling opisyal ng gobyerno
Maaari nang makausap ng direkta si President elect Rodrigo Duterte para i-report ang anumang gawaing katiwalian ng mga opisyal ng gobyerno.
Ito ay matapos ihayag ni Duterte sa isang thanksgiving party sa Cebu kagabi na magpapalagay siya ng labing dalawang telepono na maaaring tawagan ng kahit na sino.
Ayon kay Duterte, makakatawag ang sinuman sa nasabing mga telepono na bukas ng bente kwarto oras.
Sinabi rin ng incoming president na maaring isumbong sa kanya ang mga ‘boss’ sa lahat ng ahensya na mapapatunayang sangkot sa katiwalian.
Hindi aniya siya magdadalawang isip na ipahiya sa publiko upang magtanda ang sino mang kurakot na opisyal ng gobyerno.
Muling inihayag ni Duterte na sa lahat ng government agencies sa bansa, target niyang sugpuin ang korapsyon sa Bureau of Internal Revenue at Bureau of Customs.
Kabilang din aniya sa mga corrupt na government agencies ang Department of Transportation and Communications at Department of Public Works and Highways.
Binanggit rin ni Duterte sa kanyang speech na mararamdaman lamang niya ang pagiging ‘accomplished’ na pangulo kapag napababa na niya ang krimen sa bansa, nasugpo ang mga corrupt na opisyal at ahensya at nagkaroon na ng kasunduan sa kapayapaan sa pagitan ng Communist Party of the Philippines, Moro Islamic Liberation Front at Moro National Liberation Front.
Dagdag pa ni Duterte, sa kanyang anim na taong termino, gagawin niya ang lahat upang mapatigil at mahuli ang mga drug dealer sa Pilipinas nang sa gayon ay mabigyan na ng solusyon ang problema sa droga ng bansa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.