Sa pagpapatuloy ng pagsugpo sa ilegal na droga sa bansa, nadagdagan pa ng walong drug suspek ang napatay sa magkahiwalay na operasyon sa Quezon City at sa mga probinsya, Biyernes ng gabi.
Dahil dito, pumalo na sa limampu’t siyam ang bilang ng mga napapatay sa mga drug suspek simula noong May 9 elections.
Tatlong pinaghihinalaang miyembro ng isang drug group ang napatay matapos makipagbarilan sa mga pulis sa isang sting operation sa University of the Philippines Arboretum sa Diliman, Quezon City.
Ayon sa Quezon City Police District, dalawa sa mga napatay ay kinilalang sina Virgilio Arcega at Darwin Moralla habang lima sa mga naaresto ay nakatakas.
Ayon naman kay Case investigator Police Officer 2 Virgilio Mendoza, ang mga suspek ay miyembro ng Joselito Gonzales drug group na nag-ooperate sa Quezon City at ilang kalapit na lungsod.
Narekober ng pulisya sa mga suspek ang shabu na hindi pa mabatid ang halaga at walong libong pisong marked money.
Sa Cagayan naman, binaril ng hindi pa nakikilang gunman ang isang barangay chairman sa Tuguegarao City at dalawang iba pa na sangkot umano sa ilegal na droga.
Ayon kay Supt. Jessie Tamayao, hepe ng Tuguegarao City police, nakuha sa sasakyan ni MacKenric Pagulayan ng Barangay Balzain ang dalawang sachet ng shabu.
Dead on the spot si Pagulayan habang ang kanyang asawa na si Jonella Kaye at kasambahay na si Daryll Tumaneng ay sugatan at naisugod na sa Cagayan Valley Medical Center.
Dagdag pa ni Tamayao, wala sa listahan ng drug personalities si Pagulayan ngunit ang kanyang pinsan na si Gerald Pagulayan ay nasasangkot sa ilegal na droga at nahuli na noong nakaraang buwan.
Sa Burgos, Isabela naman, napatay sa isang pananambang ang No. 1 drug personality sa bayan ng Quirino na si Jerry Borromeo, 31 anyos ng hindi na nakikilang gunmen.
Kwento ni Senior Insp. Angelito Ramirez, commander ng Burgos police, hinarangan ng mga suspek na nakasakay sa dalawang sport utility vehicle ang sasakyan ni Borromeo sa provincial road sa Barangay Caliguian.
Narekober aniya ng mga otoridad ang 20 grams ng shabu mula sa sasakyan ni Borromeo.
Isa pang drug suspek ang napatay sa isang pananambang sa Sta Marcela, Apayao.
Nakilala ang suspek na si Marlo Labbao, 42 anyos, at kilala bilang most wanted drug pusher sa Apayao.
Idineklarang dead on arrival si Labbao nang isugod ito sa Sta. Marcela District Hospital.
Narekober naman sa sasakyan ni Labbao ang isang gramo ng shabu, drug paraphernalia at .45-caliber na baril.
Sa Bulacan, napatay din ang isang pinaghihinalaang drug pusher matapos makipagbarilan sa mga pulis sa isang drug sting operation sa Barangay Bancal, Meycauayan.
Kinilala ni Chief Supt. Aaron Aquino, acting Police Regional Office 3 director, ang suspek na si Rodelio de la Cruz.
Nakuha naman kay dela Cruz ang tatlumpu’t walong sachet ng shabu, .38 calibre revolver at drug paraphernalia.
Bukod pa dito, isa pang drug suspek ang napatay sa isang shootout sa Barangay Ayala sa Zamboanga City at kinilala ito ng mga pulis na si Herbert Toralba.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.