Hindi matatawaran ang naimbag ng yumaong broadcaster / TV anchor Mike Enriquez sa pamamahayag sa bansa.
Ito ang nagkakaisang pahayag ng ilang senador ukol sa pagpanaw ng beteranong radio personality.
“Napakalaki ng legasiyang iiwan ni Manong Mike Enriquez, bilang isa sa pinaka pinagkakatiwalaang mga boses sa mundo ng pagbabalita,” ani Senate President Juan Miguel “Migz” Zubiri.
Dagdag pa niya: “Mami-miss natin gabi-gabi ang kanyang boses na nagsasabing, ‘walang kinikilingan, walang pinoprotektahan, walang kasinungalingan, serbisyong totoo lamang.”
“Hindi matatawaran ang mga kontribusyon ni Mike Enriquez sa industriya ng broadcasting at news media sa Pilipinas. He was a true trailblazer and an innovator who helped shape how Filipinos receive and perceive the daily news,” sabi naman ni Sen. Risa Hontiveros.
Sabi pa niya ang boses ni Enriquez ang maasahan at mapagkakatiwalaan sa pagbabalita.
“Naging katunggali siya ng mga kurap, magnanakaw at mapang-abuso, na kanyang inimbestigahan at hindi tinantanan,” sabi pa ng senadora.
Itinuturing naman ni Sen. Lito Lapid na isa na sa mga haligi ng pamamahayag sa bansa ang host ng “24 Oras” at “Imbestigador.”
Malaking kawalan sa industriya ng pagbabalita at pamamahayag, sabi pa ni Lapid, ang pagpanaw ng 71-anyos na si Enriquez.