90-day suspension sa driver’s license ng dating pulis sa road rage video
Sinuspindi ng 90 araw ang lisensiya sa pagmamaneho ng dating pulis na nasangkot sa panibagong “road rage,” na ang video ay naging viral sa social media.
Sinabi ni LTO Chairperson Vigor Mendoza na epektibo ang suspensyon ng driver’s license ni Wilfredo Gonzales habang iniimbestigahan ang insidente.
Paliwanag niya ibabase sa resulta ng imbestigasyon kung kailangan nang bawiin ang lisensiya o hahayaan pa rin si Gonzales na magmaneho.
Pagliliwanag pa ni Mendoza na wala pang pinal na desisyon at aniya ang hakbang na ito ay para matiyak na hindi na mauulit pa ang insidente.
Ito rin, dagdag ng opisyal, ay base sa kanilang kapangyarihan alinsunod sa RA 4136 o ang Land Transportation and Traffic Code.
Kahapon naisilbi na kay Gonzales ang show cause order, na nag-aatas sa kanya na humarap sa mga imbestigador ng LTO at magsumite ng notaryadong paliwanag kung bakit hindi siya dapat maparusahan.
Ani Mendoza bagamat nagngingitngit ang taumbayan sa inasal ni Gonzales sa isang siklista noong Agosto 8, kailangan nilang sundin ang “due process.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.