WFH Law solusyon sa trapik ayon kay Sen. Joel Villanueva
By Jan Escosio August 25, 2023 - 06:27 PM
Sinabi ni Senate Majority Leader Joel Villanueva na ang Work from Home Law ay ipinasa bilang solusyon sa trapiko.
Pagpapaalala na rin ito ni Villanueva matapos ihayag ng Private Sector Advisory Council (PSAC) na ang ‘work from home arrangement’ ay para lamang sa mga panahon tulad noong COVID-19 pandemic.
Aniya nang ipinasa nila ang Telecommuting o Work-from-Home Law noong 2019, ang intensyon ng batas ay para tugunan ang lumalalang traffic sa bansa partikular sa highly urbanized areas.
Nang makaranas naman ang buong mundo ng pandemya, nakita aniya ng bansa ang ganap na implementasyon ng batas at hindi ito naging sagabal para maging produktibo ang mga empleyado sa ilalim ng alternatibong working arrangement.
Katunayan aniya, ang e-commerce at digital transactions ay tumaas ng 20 percent mula 2021 hanggang 2022 kahit na ang karamihan ng mga tao ay nasa loob ng bahay nagtatrabaho.
Giit ng senador, kahit wala na ang pandemya ay mas lalo namang lumalala ang sitwasyon ng trapiko sa bansa at kung ito ay magpapatuloy at walang aksyon na gagawin ay maaaring lumobo sa P9.4 billion ang lugi ng bansa kada araw dahil sa traffic.
Para mas masuportahan ang work from home arrangement ay isinusulong ni Villanueva na maaprubahan ang Senate Bill 135 na layong payagan ang alternative work arrangements para sa mga kumpanyang nakarehistro sa Investment Promotion Agencies.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.