Sinabi ni Senator Risa Hontiveros na umaasa siya na magsisilbing babala na sa mga may balak na gumawa ng katiwalian gamit ang pondo ng gobyerno ang rekomendasyon ng Ombudsman na kasuhan ang ilan sa mga nasangkot sa tinawag na “Pharmally scandal.”
Sa rekomendasyon ni Ombudsman Samuel Martires pinasasampahan ng kasong graft si dating Budget Usec. Lloyd Christopher Lao at iba pang opisyal at pribadong indibiduwal na iniugnay sa sinasabing maanomalyang pagbili ng COVID 19 supplies na nagkakahalaga ng P4.1 bilyon.
“Mahalagang hakbang ito tungo sa pagsingil ng accountability at hustisya laban sa mga taong nasa likod ng kahindik-hindik na pagsasayang at maling paggamit ng limitadong pondo ng pamahalaan habang naghihirap ang mga Pilipino sa gitna ng pandaigdigang pandemya,” ani Hontiveros.
Dagdag pa ng senadora, pinagtibay lamang ng Ombudsman ang draft committee report ng Senate Blue Ribbon Committee noong nakaraang taon, na nagrekomenda na kasuhan ang lahat ng mga executive officials na kumamada sa mga sinasabing maanomalyang mga transaksyon para sa pandemic supplies.
“Hindi maibabaon sa limot ang kasalanan ng mga opisyal at negosyante na piniling magpayaman gamit ang pondong nakalaan sana para tulungan ang mga kababayan nating pinadapa ng COVID-19 pandemic at ng mga lockdown,” dagdag pa ni Hontiveros.