Sumama si House Speaker Martin Romualdez sa pagbisita ng Bureau of Customs sa ilang bodega sa Balagtas, Bulacan at tumambad sa kanila ang libo-libong sako ng bigas.
Ayon kay Romualdez patunay lamang na may sapat na suplay ng bigas sa bansa at maaaring may ilang negosyante ang nagsasamantala lamang kayat lumalabas na may “artificial shortage.”
Aniya ito ang dahilan kayat tumatataas ang presyo ng bigas sa mga pamilihan.
“Nakita natin na sapat ang suplay pero medyo matagal na naho-hold. Dapat kung ano yung ipinasok, ilabas kaagad, ibaba kaagad at a reasonable price dahil masyadong mataas ngayon ang presyo,” sabi pa ni Romualdez.
Sa ocular inspections, isinara ng BOC ang mga bodega, kung saan nadiskubre ang tinatayang higit kalahating bilyong pisong halaga ng mga bigas mula sa Vietnam, Cambodia at Thailand.
May 15 araw ang may-ari ng bodega para iprisinta sa kawanihan ang mga dokumento ng mga nakaimbak na bigas.
Kasama sa inspections sina Customs Comm. Bienvenido Rubio, Reps. Wilfrido Mark Enverga, Ambrosio Cruz at Erwin Tulfo.