Vargas, nagpasalamat kay PBBM sa P2 Bilyon pondo para sa Cancer Care
By: Chona Yu
- 1 year ago
Pinasalamatan ni dating three-term Congressman at kasalukuyang Quezon City Councilor ang pagbibigay-pondo ng administrasyon sa cancer programs ng Department of Health (DOH) sa ilalim ng National Integrated Cancer Control Act (NICCA).
“Bilang pangunahing may-akda ng NICCA, ipinapaabot natin ang ating taos-pusong pasasalamat sa Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. at sa kanyang pamahalaan. Ang pagbibigay ng priyoridad sa cancer control and care ay tiyak na makakaligtas ng napakaraming buhay,” pahayag ni Vargas.
Ayon kay Vargas, malaking tulong ang pondo para maayudahan ang mga pasyente na may cancer.
“Ipinanukala at ipinasa natin ang NICCA bilang tulong sa libu-libo nating kababayang may kanser, na karaniwang nagiging hatol na ng kamatayan sa mga walang kayayanang magbayad sa serbisyong medikal,” dagdag ni Vargas.
Kamaikailan ay ibinalitang mahigit P2 bilyon ang alokasyon ng Department of Budget and Management (DBM) para sa Prevention and Control of Non-Communicable Diseases at Cancer Assistance Fund ng DOH.
Ayon sa DBM, kasama rito ang P1 bilyon para sa pondo ng 31 cancer access sites sa buong Pilipinas, kabilang na ang outpatient at inpatient cancer control services.
“Napakalaking tulong ito sa mga kababayan nating may kanser at sa mga pamilya at mahal nila sa buhay. Naipapamalas natin ang malasakit ng batas at gobyerno. Naipaparating nating kasama nila tayo sa hamon ng buhay,” ani Vargas.
Ang kanser ay ikatlo sa pinakamataas na sanhi ng kamatayan sa Pilipinas, base sa datos ng Philippine Statistics Authority. Sumusunod lamang ito sa ischemic heart disease o heart attack at cerebrovascular disease o stroke.
“Napakalaking pasanin ang kanser sa isang pamilya at ito’y naranasan mismo namin. Ilang araw lang ang nakakaraan, ginunita namin ang ika-9 na death anniversary ng aming inang pumanaw sa kanser,” ani Vargas.
“Ito’y personal nating advocacy at laban para sa lahat ng Pilipino. Malaki ang pasasalamat natin sa suportang patuloy na ibinibigay ng mahal na Pangulo at ng DOH sa ilalim ng masipag nating Secretary Ted Herbosa. We stand with them in championing cancer control under NICCA,” ani Vargas.