Senado inaprubahan ang resolusyon ng pagkilala kay Migrant Workers Secretary Susan Ople
Agad sinang-ayunan ng mga senador ang resolusyon ng pagbibigay pugay sa namayapang Migrant Workers Secretary Susan “Toots” Ople.
Layon ng Senate Resolution No. 83 na kilalanin ang buhay at mga adbokasiya ng namayapang 61-anyos na kalihim.
Nabigyan diin sa resolusyon ang ipinamalas na dedikasyon ni Ople sa pagsusulong ng kapakanan ng mga nasa sektor ng paggawa, bukod sa pakikipaglaban para sa mga karapatan at kapakanan ng mga Filipino na nagta-trabaho sa ibang bansa.
Makasaysayan, ayon kay Senate President Juan Miguel Zubiri, ang pagtatalaga kay Ople ni Pangulong Marcos Jr. dahil ang yumaong kalihim ang kauna-unahang namuno sa DMW.
Ayon naman kay Sen. Alan Peter Cayetano kahanga-hanga ang ipinakitang determinasyon ni Ople sa paglaban sa human-trafficking.
“The loss of a competent and dedicated public servant like Secretary Ople, who served as the voice of Filipino workers abroad, is truly significant. Her dedication to the welfare of OFWs will be a lasting reminder of her commitment to public service,” sabi naman ni Sen. Imee Marcos.
Pinuri din ni Sen. Nancy Binay si Ople sa mga sakripisyo para mapagsilbihan ang kapwa Filipino.
Ibinahagi naman ni Sen. Christopher Go na ang pagseserbisyo at dedikasyon ni Ople ay kinilala sa ibat-ibang bahagi ng mundo at nararapat na magsilbi itong inspirasyon para sa mga susunod na mamumuno sa DMW.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.