Mga programa ng Taguig LGU kapaki-pakinabang sa “EMBO” barangays

Naniniwala si dating Presidential Communications Assistant Secretary JV Arcena na malaking tulong sa mga residente ng “EMBO” barangays ang mga programang ilalatag ng lokal na pamahalaan ng Taguig.

Ayon kay Arcena, isa ang innovative education program ng Taguig City na pakikinabangan ng mga estudyante.

Kumpara sa Makati City na nag-aalok ng scholarship sa Top 10, ang Taguig City ay nag-aalok ng oportunidad sa lahat ng estudyante at hindi hadlang kung anuman ang kanilang academic achievements.

Sabi ni Arcena, “game changer” ang alok na scholarship ng Taguig, kung saan, binibigyan ng financial assistance ng mga estudyante mula P15,000 hanggang P110,000 kada taon depende sa nais na scholarship.

Isa sa mga nakinabang sa scholarship program ng Taguig si Brian Sophia Reyes na estudyante ng De La Salle University.

Ayon kay Reyes, walang dapat na ipag-alala ang mga estudyante kung ililipat man ang pamamahala sa 10 barangay dahil mayroon din namang alok na libreng uniform at school supplies ang lokal na pamahalaan ng Taguig.

Katunayan, sinabi ni Reyes na hindi lamang ang mga top rank na estudyante ang nakakukuha ng scholarship program sa Taguig kundi maging ang mga ordinaryong estudyante.

Umapila naman ni Taguig Mayor Lani Cayetano kay Mayor Abby Binay na maghinay hinay sa pangmamaliit sa kakayahan ng kanilang hanay.

Ayon kay Cayetano, may mga programa rin naman ang Taguig para sa mga estudyante.

 

Read more...