Halos P400-B para sa pagpapatayo ng bagong classrooms

INQUIRER PHOTO

Mangangailangan ng P397 bilyon ang  Department of Education (DepEd) para sa pagpapatayo ng mga bagong classroom sa bansa.

Nalaman ito sa pagdinig ng Senate Committee on Basic Education kaugnay sa kahandaan ng mg paaralan sa pagbubukas ng klase.

Ayon kay Asec. Francis Cesar Bringas, nasa 159,000 ang kailangang classrooms sa buong bansa upang matugunan ang ideal na ratio ng dami ng mga estudyante sa bawat silid-aralan.

Subalit, sa proposed 2024 budget ng DepEd, nasa P10 bilyon lamang ang inilaang pondo para sa konstruksyon ng classrooms at katulad lamang ito ng pondo ngayon taon.

Sa datos naman na ipinakita ni Committee chairman Sherwin Gatchalian, lumitaw na 32 percent ng mga classroom sa para sa Kinder hanggang Grade 6 ang maituturing na congested o hindi tumutugon sa ideal ratio na 1:32 students; 41 percent naman sa high school ang congested habang 50% sa senior high school.

Dahil naman dito, sinabi ni Bringas na ilang mga paaralan ang nagpapatupad ng hanggang tatlong shifts habang ang iba ay dalawang shifts.

Bukod sa classrooms, kinumpirma ng opisyal na nananatiling problema pa rin ng DepEd ang kakapusan ng mga guro kahit taun-taon ay mayroon silang 10,000 slots para sa mga bagong titser.

Read more...