2 patay sa wildfire sa Kern County, California

By Kabie Aenlle June 25, 2016 - 04:40 AM

BILL WECHTER/AFP
BILL WECHTER/AFP

Kinumpirma ng Kern City Fire Department na dalawang katao na ang nasawi sa wildfire malapit sa Lake Isabella na sumiklab hapon ng Huwebes, sa Kern County, Central California.

Wala pa namang detalye tungkol sa mga nasawi. Nasa 2,000 residente naman na ang nailikas.

Hindi bababa sa 100 gusali ang napinsala ng wildfire na mabilis kumalat sa Kern county sa central California, at 1,500 iba pa ang nanganganib na mapinsala sakaling hindi pa ito makontrol.

Isinara na ng mga otoridad ang highways malapit sa wildfire at inilikas na rin nila ang mga nasa kalapit na paaralan at retirement home sa agricultural at oil region matapos sumiklab ang sunog Huwebes ng hapon, oras sa California, sa hindi pa malamang dahilan.

Sa ngayon umabot na sa 19,000 acres ang bahaging nasunog o nasa 76.9 square kilometers ng Lake Isabella, at patuloy pa itong kumakalat.

Gayunman, nasa 600 bumbero na ang nasa lugar para subukang kontrolin ang sunog. Sa loob lamang ng 13 oras, 11 kilometro na ang nasunog dahil na rin sa malakas na ihip ng hangin.

Ayon kay Kern County Fire Captain Tyler Townsend, napaka-mapanganib ng nasabing sunog at iyon na aniya ang pinakamalalang sunog na kaniyang nakita.

Limang taon nang nakararanas ng tag-tuyot ang California, kaya mabilis magliyab ang mga dahon at damo sa kaunting friction lamang, at madali rin itong kumalat.

Posibleng naka-apekto rin ang pag-akyat ng temperatura sa 40 degrees celsius nitong linggo kaya bigla na lang nagkaroon ng sunog.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.