Naghain ng panukalang-batas si Sen. Lito Lapid para mapangalagaan ang mga karapatan at mapalawak ang proteksyon ng mga nagta-trabaho sa Business Process Outsourcing (BPO) industry.
Sa kanyang Senate Bill No. 2235, kinilala ni Lapid ang naitutulong ng industriya sa ekonomiya gaya ng $30 billion kada taon na ambag o katumbas ng halos siyam na porsiyenti ng gross domestic product (GDP) ng bansa.
Nabanggit ng senador na noong 2019, higit 1.3 milyong Filipino ang nagta-trabaho sa BPO at lumalago ang bilang ng walo hanggang 10 porsiyento kada taon.
Ngunit, ayon kay Lapid, sa kabila ng mga ito, kulang pa rin ang proteksyon at kapos ang pangangalaga sa mga karapatan ng BPO workers.
Nais nito na magkaroon ng pantay-pantay na patakaran sa BPO industry.
“Kailangan natin na masiguro na may wastong pamantayan sa mga manggagawa sa BPO sector, kabilang na ang makataong pagtrato gayundin ang pagtiyak na regularisasyon, may sapat na mga benepisyo, pribelihiyo at maayos na working conditions.
Sa kanyang panukala, ipinagbabawal ang “understaffing” o “overloading” sa pagbibigay ng sapat na “ratio of BPO worker to client quota” o hindi kaya “quantitative targets.”