Pagkakapatay sa 17-anyos na binatilyo sa Navotas nais ni Hontiveros na imbestigahan sa Senado

SENATE PRIB PHOTO

Naghain ng resolusyon si Senator Risa Hontiveros para maimbestigahan sa Senado ang pagkakapatay ng mga pulis sa isang 17-anyos na binatilyo sa Navotas City dahil lamang napagkamalan na suspek sa isang kaso ng pagpatay.

Nais ni Hontiveros na malaman ang puno’t dulo ng paggamit ng labis-labis na puwersa ng mga sangkot na pulis-Navotas na nagresulta sa pagkamatay ni Jemboy Baltazar.

Sinabi ng senadora na marami ng operasyon ng mga pulis na ginamitan ng labis-labis na puwersa.

Kasabay nang paghahain ng resolusyon ang pang-limang taon na anibersaryo ng pagkakapatay naman ng tatlong pulis sa 17-anyos din noon na si Kian delos Santos sa kasagsagan ng “war on  drugs” ng administrasyong-Duterte.

Nais din ni Hontiveros na malinawan ang pagsasampa lamang ng kasong reckless imprudence resulting in homicide sa mga sangkot na pulis, samantalang ang sinibak na hepe ng pulisya ng lungsod ay kasong administratibo lamang ang kinahaharap dahil sa “dishonesty.”

Read more...