Klase sa public schools, trabaho sa gov’t offices sa MM at Bulacan suspindido sa August 25
By Chona Yu August 16, 2023 - 11:53 AM
Idineklara ni Pangulong Marcos Jr na suspindido. ang mga klase sa lahat ng pampublikong eskwelahan sa lahat ng antas at trabaho sa mga tanggapan ng gobyerno sa Metro Manila at Bulacan sa Agosto 25.
Ito ay dahil sa pagbubukas ng FIBA Basketball World Cup 2023 na gaganapin sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan. Base sa Memorandum Circular No. 27 na nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin, kahapon, Agosto 15, layunin nito na magkaroon ng mas malawak na partisipasyon ang publiko sa sports promotion at development. Pagpapakita rin ito ayon sa Pangulong Marcos ng buong suporta ng gobyerno sa Philippine Sports Commission (PSC) para matiyak ang ligtas, maayos, at matagumpay na pagbubukas ng opening ceremonies ng FIBA Basketball World Cup 2023. Pero ayon sa Pangulo, hindi saklaw sa suspension order ang mga tanggapan ng gobyerno na may kinalaman sa basic at health services, preparedness/response to disasters at kalamidad at iba pang vital services. Ipinauubaya naman ng Pangulo ang pagpapasya ng suspensyon sa mga pribadong tanggapan at paaralan.Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.