Taguig LGU sa Makati LGU: Tigilan ang fake news!

By Jan Escosio August 16, 2023 - 10:31 AM

TAGUIG FB PHOTO

Malaking kasinungalingan, ayon sa pamahalaang-lungsod ng Taguig, ang sinabi ng isang mataas na opisyal ng Makati City na tinanggihan ang alok nilang libreng pang-pangeskwela ng mga estudyante sa mga public schools sa “Embo” barangays.

Unang naglabas ng pahayag ukol dito ang pamahalaang-lungsod ng Makati at sinabi ni City Administrator Claro Certeza na nag-alok sila ng mga uniporme, sapatos at iba pang gamit para sana 30,000 mag-aaral.

Inialok ani Certeza ang mga libreng gamit sa pagpupulong ng mga opisyal ng dalawang lungsod sa main office ng Department of Education (DepEd) noong Hulyo 18.

Ngunit nabunyag na wala sa nasabing pulong si Certeza.

Kinuwestiyon ang motibo ni Certeza dahil ilang linggo na ang lumipas nang maglabas sila ng pahayag ukol sa kanilang alok at nataon na ilang linggo bago ang pagsisimula ng mga klase.

Hinala na sadyang ginawa ito upang palabasin na walang malasakit ang pamahalaang-lungsod ng Taguig sa mga mag-aaral.

Nabatid na si Taguig City Mayor Lani Cayetano ang humiling sa DepEd ng pulong para mapaghandaan nila ang pagsisimula ng mga klase.

Nabanggit din na sa pulong ay sinabi na ni Makati City Mayor Abby Binay na isasara nila ang mga eskuwelahan hanggang sa makapagbayad ang Taguig City LGU ng renta o bibilhin nila ang mga paaralan.

Ikinagulat ito ni Cayetano at nangatuwiran na ang isyu sa pagmamay-ari ng mga paaralan o pagbabayad ay dapat maisantabi muna at unahin ang mahahalagang isyu para sa kapakanan ng mga estudyante at mga guro.

Tiniyak din nito kay Binay sa kanilang paghaharap, na ang kanilang pamahalaan ay may libreng “school packages” din kayat walang dapat ikabahala ang huli.

Sinasabing binawi ni Binay ang pagbabanta at naging daan ito para ilabas na ng DepEd ang  Regional Memorandum Order No. 2023-735 na nag-utos na ilipat ang pamamahala at pangangasiwa ng mga apektadong pampublikong paaralan mula sa Dibisyon ng Makati City patungo sa Dibisyon ng Taguig at Pateros.

Hiniling din ng Taguig sa Makati ang mga datos na may kaugnayan sa mga paaralan, ngunit nabatid na wala pa rin ng tugon ang huli.

Samantala, inihayag na rin ni Cayetano na sila nagbibigay din ng college scholarship hanggang sa mga nais kumuha ng masteral at doctorate degrees, gayundin sa mga nagre-review para sa board at bar exams.

 

TAGS: benefits, DepEd Makati, public schools, taguig, benefits, DepEd Makati, public schools, taguig

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.