COC filing para sa Barangay at SK elections, aarangkada na sa Agosto 28
Simula sa Agosto 28, tatanggap na ang Commission on Elections ng certificate of candidacy para sa mga nagnanais na kumandidato sa Barangay at Sangguniang kabataan elections na nakatakda sa Oktubre 30.
Ayon kay Comelec spokesman Attorney John Rex Laudiangco, tatagal ang paghahain ng COC ng hanggang Setyembre 2.
Bukas aniya ang lahat ng tanggapan ng Comelec mula 8:00 ng umaga hanggang 5;00 ng hapon.
“Paalala lamang po, kailangan po kayo ay kuwalipikado sa pagtakbo. Ikalawa po, kung kayo po ay overage o underage, kasi po sa atin pong SK ang makakatakbo lamang ay iyong nasa edad sa pagitan ng labingwalong taong gulang hanggang dalawampu’t apat na taong gulang sa araw ng eleksiyon at hindi hihigit pa kahit isang araw. Kung makikita po namin sa aming talaan ng mga rehistradong botante na kayo po ay underage o overage, hindi na po namin tatanggapin ang inyong COC,” pahayag ni Laudiangco.
Dapat din aniyang rehistradong botante ang isang kakandidato.
“Kung kayo po ay hindi rehistradong botante at nakita po namin ito sa aming national list of registered voters, wala kayo sa listahan… hindi na rin po tatanggapin ang inyong COC dahil po kayo po ay masasampahan lamang ng kaso na petition to cancel or deny due course to COC na magiging abala po sa inyong lahat at higit sa lahat, sa pamahalaan,” sabi ni Laudiangco.
Oras aniya na makapaghain na ng COC ang isang kandidato, mahigpit na ipinagbabawal ng Comelec ang maagang pangangampanya.
“Ang pinakamahalaga pong paalala namin: Sa lahat po ng magpa-file ng COC sa mga nabanggit na araw, kayo po ay kaagad na ituturing na kandidato. At dahil po dito, lumalapat na po sa inyo ang lahat ng ipinagbabawal na gawain sa halalan lalung-lalo na po ang premature campaigning. Hinihiling po namin ang tulong ng ating mga kababayan na sana po mai-report sa COMELEC kung sinuman po ang maagang nangangampanya dahil pinapahintulutan lamang po ang pangangampanya mula October 19 hanggang October 28,” pahayag ni Laudiangco.
Kasabay ng pagsisimula ng election period, magpapatupad na rin aniya ang pamahalaan ng gun ban. Ibig sabihin, bawal ang pagdadala ng baril sa labas ng bahay ng walang kaukulang permiso.
Tatagal ang gun ban ng hanggang Nobyembre 29.
Sabi ni laudiangco, asahan na ng taong bayan ang mga pinaigting na checkpoint ng Philippine National Police, Armed Forces of the Phiilppines at Philippine Coast Guard.
Sa ngayon, 10 malls na rin ang katuwang ng Comelec para sa pilot testing ng mall voting.
Ito ay ang SM City Legazpi, Albay; SM Consolacion, Cebu; SM City North EDSA, Quezon City; SM City Manila, Ermita Manila; SM City Sucat, Parañaque; Robinsons Metro East, Pasig; Robinsons Place Manila, Ermita, Manila; Robinsons Magnolia, New Manila, Quezon City; Robinsons Place, Las Piñas City; at Robinsons Galleria, Cebu City.
Paalala ni Laudiangco, kapag hindi nakaboto ang botante sa darating na eleksyon, hindi naman awtomatikong deactivated ang kanilang rehistro.
Saka lamang aniya idi-deactivate ng Comelec ang isang botante kapag hindi nakaboto sa dalawang magkasunod na eleksyon.
May reactivation naman aniya na gagawin ang Comelec sa Setyembre 2024 para muling makaboto ang mg ana deactivate na botante.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.