Libreng gamit pang-eskuwela ng “Makati schools” tiniyak ni Taguig Mayor Lani Cayetano
By: Jan Escosio
- 1 year ago
Siniguro ni Taguig City Mayor Lani Cayetano na mabibigyan ng mga gamit pang-eskuwela ang mga estudyante sa mga pampublikong paaralan sa ‘Embo’ barangays.Sa paglulunsad ng Brigada Eskwela sa Tibagan High School sa Barangay East Rembo, nakiusap si Cayetano sa mga magulang at estudyante na bigyan sila ng panahon para maibigay ang mga gamit pang-eskuwela.Pagbabahagi ng alkalde na hiningi na nila ang mga kinakailangang datos na may kaugnayan sa mga programang pang-edukasyon mula sa pamahalaang-lungsod ng Makati, ngunit ilang linggo na ang lumipas ay wala pa silang natatanggap na tugon.Diin ni Cayetano sa kanilang sariling inisyatibo ay hinahanap nila ang mga magulang at estudyante upang makuha ang sukat ng kanilang katawan para sa tamang sukat ng uniporma na ibibigay sa kanila.Aniya nalulungkot lamang siya dahil maging ang mga mag-aaral ay nadadamay sa isyu, ngunit pagtitiyak ni Cayetano na gagawin nila ang lahat para ang mga ibinibigay sa mga mag-aaral ng kanilang lungsod ay matatanggap din mga mag-aaral sa “Embo public schools.”Paglilinaw lang din nito na may kautusan na ang Department of Education (DepEd) na naglilipat sa mga apektadong eskuwelahan sa pangangasiwa ng DepEd – Taguig – Pateros mula sa DepEd – Makati City.Ito aniya ay nalinawan na sa pagpupulong sa DepEd Main Office na kanyang dinaluhan kasama ang ilan sa kanyang mga opisyal, gayundin si Makati City Mayor Abby Binay at ilan din sa kanyang mga opisyal.