Mga opisyal na papalag sa suspension order, idiskuwalipika – Chiz
Parusang pansamantala o permanenteng diskuwalipikasyon sa pagtakbo sa posisyon o paghawak sa posisyon sa gobyerno. Ito ang nais ni Sen. Francis Escudero na maging kaparusahan sa elected o appointed public official na susuway sa legal suspension o removal order. Sinabi ito ni Escudero kaugnay sa pag-iimbestiga ng Senate Committee on Public Order sa pagtanggi nina Bonifacio, Misamis Occidental Mayor Samson Dumanjug at asawa nitong si Vice Mayor Evelyn Dumanjug sa suspension order ng Sangguniang Panglalawigan dahil sa isyu ng korapsyon. Pagbabahagi ng senador na ipinagtaka niya ang hindi pagtanong kay Dumanjug sa katuwiran nito na sundin ang legal na kautusan at pagtanggi niya na iwan nila ng kanyang maybahay ang kanilang posisyon. Naiwasan sana, dagdag pa ni Escudero ang kaguluhan kung tumalima na lamang ang mag-asawang Dumanjug sa kautusan. Puna pa nito ang paggiit ni Dumanjug na ipaalala sa kanya ang Miranda Rights ay pag-amin na rin ng paglabag sa batas. Sa palagay pa ni Escudero hindi din dapat nagpabaya ang lokal na pulisya sa pagpapatupad ng kautusan dahil sa pag-iisip na ito ay maaring may bahid pulitika at naiwasan sana ang tensyon o kaguluhan. Hindi na rin dapat aniya ipinasok pa sa eksena si PNP Chief Benjamin Acorda Jr., sa pagpapatupad ng suspension order dahil kinilala na ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang kautusan. Samantala, maging si Sen. Ronald dela Rosa ay sinabing dapat ay sinusunod na lamang ng mga lokal na opisyal ang kautusang-legal sa halip na magmatigas na manatili sa puwesto. Bagamat aniya hindi din masisisi ang opisyal kung sa kanyang palagay ay may basehan din na ipaglaban niya ang kanyang karapatan, tungkulin at responsibilidad Sa naging pagdinig sa Senado, ibinahagi ni Gov. Henry Oaminal na may koordinasyon sila sa DILG para matiyak ang maayos at mapayapang. pagpapatupad ng suspension order. Sinabi pa nito na nakipag-usap din ang provincial director ng DILG sa kampo nina Dumanjug ngunit walang kinahitnan. Dagdag pa ni Oaminal na “rule of man” sa halip na “rule of law” ang umiral sa bayan ng Bonifacio dahil sa pagmamatigas ni Dumanjug na manatili sa kanyang opisina kayat nabahala na sila na maaring maapektuhan na ang pagbibigay serbisyo sa bayan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.