Humingi ng permiso sa Sandiganbayan si dating First Gentleman Jose Miguel “Mike” Arroyo para mapayagan siyang makabiyahe sa Japan at Hong Kong.
Sa kaniyang dalawang magkahiwalay na mosyon na isinumite sa4th at 7th division ng Sandiganbayan, nais ng dating unang ginoo na mapayagan siyang makapanatili sa Tokyo, Japan, sa July 20 hanggang 25 at sa Hongkong sa July 25 hanggang 28.
Ayon kay Arroyo, habang nasa Tokyo, siya ay mananatili sa Shangri-La Hotel sa Marunouchi na nasa commercial district ng Tokyo, habang sa Shangri-La Hotel din sa Kowloon siya mananatili pagdating naman sa Hong Kong.
Hindi naman binanggit ni Arroyo ang dahilan ng kaniyang dalawang magkasunod na pagbiyahe pero iginiit sa Sandiganbayan na wala siyang intensyon na takasan ang kaniya mga kaso.
Si Ginoong Arroyo ay nahaharap sa kasong graft sa 4th Division ng Sandiganbayan kaugnay sa anomalya sa national broadband deal.
Ang kaso naman niya sa 7th Division ay may kaugnayan sa maanomalyang pagbili ng helicopters ng Philippine National Police noong 2009.