Nais ni Senator Risa Hontiveros na mabigyan linaw ang pagsasampa lamang ng kasong reckless imprudence resulting in homicide at hindi homicide sa mga pulis-Navotas na nakapatay kay Jehrode ‘Jemboy” Baltazar.
Ayon kay Hontiveros nakaka-alarma at kadudaduda na mas “magaan” na kaso ang isinampa na may katapat lamang na kaparusahan na hanggang apat na taon na pagkakabilanggo kumpara sa hanggang 20 taon na pagkakakulong kapag kasong homicide ang kinaharap ng mga ito.
“Bilang isang ina, buong puso akong nakikiramay sa buong pamilya ni Jehrode Jemboy Baltazar. Kasama nyo akong maninindigan upang makamit ang mabilis at tunay na hustisya sa kanyang pagkamatay,” diin ng senadora.
Pagpupunto pa ni Hontiveros, labas sa batas at sa mismong regulasyon ng pambansang pulisya ang agarang ang pagpapaulan ng bala sa isang sibilyan na hindi armado at wala namang ginagawang masama.
“There can be no justification nor any excuse for this “shoot first, ask questions later” approach of the members of the PNP in Navotas City,” dagdag pa nito.
Umaasa lang din si Hontiveros na walang “whitewash” sa kaso at special treatment sa mga sangkot na pulis.